Marami pang mga lugar ang idinagdag ng Commission on Elections (COMELEC) para sa pilot testing ng Register Anywhere Project (RAP).
Ayon sa COMELEC, kabilang sa mga naidagdag na mga area para sa RAP pilot testing ang Robinson’s Mall sa Barangay Baras Baras, Tacloban City; SM City Legazpi, Imelda Roces Avenue, Zone 9, Barangay 37 Bitano, Legazpi City, Albay; at sa isa pang kilalang mall sa Naga City, Camarines Sur.
Una nang inanunsyo ng poll body, na ilulunsad din ang proyektong ito sa limang mall sa Metro Manila na kinabibilangan ng SM Mall of Asia sa Pasay City, SM Fairview sa Quezon City, SM Southmall sa Las Piñas City at sa dalawa pang kilalang mall sa Maynila at lunsod ng Quezon.
Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, na isasagawa ang RAP pilot testing tuwing Sabado at Linggo, simula December 17 hanggang January 22, 2023.
Pansamantala namang ipatitigil ang registration sa mga petsang December 24, 25, 31, 2022 at January 1, 2023.
Sinabi pa ni Laudiangco, na ikakasa din ang RAP project sa mga government sites gaya ng Senate of the Philippines sa Pasay City sa January 25, 2023, habang inaantabayanan naman ang eksaktong araw para sa pag-arangkada nito sa House of Representatives sa Quezon City at Government Service Insurance System (GSIS) Main Office sa lunsod ng Pasay.