Nadagdagan pa ang mga lugar na isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) epektibo ngayong araw, Mayo 16.
Maliban sa Metro Manila, Cebu at Laguna, kabilang na rin sa MECQ ayon sa IATF ang Bulacan, Pampanga, Zambales, Nueva Ecija, at Angeles City.
Kasunod nito, ilang mga industriya ang hindi pa rin maaaring payagang makabalik sa operasyon tulad ng transportasyon, salon massage parlor at barberya.
Gayunman, balik na simula ngayong araw ang operasyon ng mga mall subalit limitado lamang ito at bawal pa rin ang mga may kinalaman sa leisure at hihinaan ang air conditioning unit nito sa katamtamang temperatura.
Sa sektor ng transportasyon, hinihikayat ng Department of Transportation (DOTr) ang mga kumpaniyang magbabalik na sa operasyon na maglaan ng shuttle service para sa kanilang mga empleyado.
Gayunman, kung malapit lang ang papasukan at walang maibibigay na sasakyan ang kanilang kumpaniya, hinihikayat ng Malakaniyang ang mga manggagawa na maglakad na pansamantala.