Nadagdagan pa ang mga lugar na isinailalim ng Department of Agriculture (DA) sa quarantine dahil sa pangambang apektado na rin ng African Swine Fever (ASF) ang mga ito.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, meron na ring lugar sa Central Luzon ang kanilang inilagay sa quarantine bagama’t tumanggi muna itong magbigay ng detalye.
Kaugnay nito, ipinatupad na rin ng DA ang kanilang protocol para mapigilan ang pagkalat pa ng ASF virus.
Kabilang dito ang paglalagay ng ‘quarantine checkpoints’ sa loob ng 1-kilometer radius ng apektadong babuyan para mabantay ang galaw ng mga alaga, karne at produkto mula sa baboy.
Gayundin ang pagsasailalim sa surveillance ng mga otoridad sa loob namang 7 kilometer radius para malimitahan ang paggalaw ng mga alagang hayop.
Habang inaatasan naman ang lahat ng hog farm owners na sakop ng 10-kilometer raius na agad i-report sa DA ang anumang sakit na nararanasan ng kanilang mga alagang baboy.