Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa kaniyang mga tauhan na tutukan ang mga lugar na madalas pamugaran ng private armed groups at may history ng election related violence.
Ginawa ng PNP Chief ang pahayag kasunod ng nangyaring bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng Pamahalaan at ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Bugtong, bayan ng Mandaon sa lalawigan ng Masbate kung saan, patay ang nasa limang rebelde.
Ayon kay Eleazar, ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga pulis at NPA sa Masbate ay bahagi ng kanilang opensiba laban sa iba’t-ibang armadong grupo na maaaring gamitin ng mga pulitiko ngayong papalapit na ang halalan.
Isa ang Masbate sa mga tinaguriang election hotspot dahil sa matindi ang away ng mga pulitiko sa puwesto at idagdag pa ang mataas na presensya ng mga armadong grupo.
Binigyang diin pa ng PNP Chief, asahan pa aniya ang mas pinaigting na seguridad sa buong bansa ngayong papalapit na ang halalan.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)