Maaari nang tumanggap ng hanggang 50% ng kapasidad ng kanilang dine-in services ang mga restaurants at iba pang food establishments sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula bukas.
Batay ito sa ipinalabas na memorandum circular ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan pinalawak na ang operating capacity ng lahat ng mga establisyimento na nag-aalok ng dine-in services.
Nakapaloob din dito ang pagtataas sa 75% ng kapasidad ng mga dine-in services ng mga kainan sa mga lugar na nasa ilalim naman ng modified GCQ.
Maaari na ring magsilbi ng mga nakalalasing na inumin sa mga customers pero limitado lamang sa hanggang dalawang bote.
Papayagan na rin ang magkakasamang pagkain sa iisang mesa ng mga customers basta’t mapatutunayan na miyembro sila ng iisang pamilya habang palalawigin na hanggang alas 11 ng gabi ang kanilang mga operating hours.