Sinusuyod na ng task force ng Philippine National Police (PNP) at militar ang mga lugar na puwedeng pinagdalhan sa 3 dayuhan at 1 Pinay na dinukot sa Samal Island.
Itoy makaraang matagpuan sa gitna ng karagatan ang 2 bangka na pinagsakyan sa mga biktima.
Ayon kay Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, pinag-aaralan pa nila ang posibilidad na isa lamang ito sa mga diversionary tactics ng kidnappers.
Sa ngayon, sinabi ni Padilla na hindi pa rin makumpirma ng pulisya at maging ng militar kung anong grupo talaga ang may kagagawan sa pagdukot sa 3 dayuhan at 1 Pinay.
Hanggang ngayon aniya ay hindi pa kumokontak ang mga kidnappers.
Ipinaliwanag ni Padilla na hindi pa nila inaalis ang posibilidad na kagagawan ito ng Abu Sayyaf bagamat maraming mga indikasyon na posibleng mayroong ibang grupo ang nasa likod nito.
Sinisilip na rin anya ng otoridad ang posibilidad na mayroong kasabwat ang mga kidnappers sa loob ng lantsang sinasakyan ng mga biktima kaya’t mabilis nilang natukoy ang kanilang mga targets.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit