Halos sumampa na sa 3,000 katao ang nahuhuli ng Philippine National Police (PNP) dahil sa paglabag sa gun ban.
Batay sa datos mula sa National Election and Monitoring Action Center o NEMAC, patuloy na tumataas ang bilang na ito mula nang umarangkada sa buong bansa ang election gun ban noong Enero 10.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, karamihan sa mga nadarakip ay mga sibilyan kung saan samu’t saring armas ang kanilang nakukumpiska.
Ito’y kinabibilangan ng mahigit 100 class-a weapons; 4 na class-b weapons at halos 500 improvised firearms tulad ng homemade shotgun o boga, paltik at marami pang iba.
Muli ring nagbabala sa publiko ang si Mayor laban sa pagdadadala ng baril.
“Unang-una ay nagbibigay tayo ng babala sa ating mga kababayan na huwag po tayong magdala ng armas dahil nga po election period at ipinagbabawal po ang pagdadala ng baril, kung may makikita po kayong nakikitang checkpoint ay kami po’y humihingi ng paumanhin sa abala.” Pahayag ni Mayor.
Election hotspots
Nadagdagan pa ang mga lugar sa bansa na isinailalim sa election hotspot ng Commission on Elections (COMELEC).
Ito’y makaraang lumagda sa isang memorandum of understanding ang COMELEC sa Commission on Human Rights o CHR.
Tinukoy ni CHR Chair Chito Gascon ang mga lalawigan ng Laguna, Nueva Ecija at Bataan sa mga lugar na may pinakamataas na antas ng election violence at human rights violations.
Bagama’t hindi pa makapagbigay ng eksasktong bilang si Gascon, sinabi nito na marami na silang natatanggap na insidente ng karahasan sa mga nasabing lugar.
Gayunman, sinabi ng CHR Chief na hindi pa rin nila iniaalis ang kanilang pagtutok sa mga lugar ng ARMM, Masbate, Abra at iba pa na aniya’y karaniwan nang may nangyayaring karahasan tuwing eleksyon.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita