Hindi na ipi-phase out ang mga lumang jeep na garantisadong ligtas pa rin na bumyahe.
Ito ang inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian kasunod ng pag-urong ng Department of Transportation (DOTr) ng kanilang planong alisin na sa kalsada ang lahat ng public utility jeepneys (PUJ) kapalit ng mga bagong unit.
Sa deliberasyon sa pondo ng DOTr sa 2020, sinabi ni Gatchalian na sumang-ayon na ang DOTr na daanin na lamang sa road worthiness test ang mga PUJ sa halip na tuluyang i-phase out ang mga ito.
Ikinatuwa naman umano ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate Public Services Committee, ang ginawang pag sang ayon na ito ng DOTr sa kaniyang panukala.
Layunin ng public utility vehicle (PUV) modernization plan na tanggalin na sa kalsada ang mga jeep na 15 taon pataas ang tagal at palitan ng bagong unit na maaaring patakbuhin ng renewable energy.
Ngunit patuloy na inaalmahan ng mga transport group ang nasabing modernisasyon dahilan para magsagawa ang mga ito ng kabi-kabilang transport strike.