Balik eskwela na ang mga mag aaral sa Batangas City ngayong araw, Enero 29 matapos na maantala dahil sa pagputok ng bulkang Taal.
Ito ay matapos na ipag utos ni Batangas City Mayor Beverly Dimacuha ang balik eskwela ng lahat ng mga estudyante sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod.
Dahil dito, mahigit 1,500 mga mag aaral sa Batangas City East Elementary School mula kinder hanggang grade 6 ang pumasok sa eskwela kabilang ang nasa special education program at alternative learning system.
Nabawasan na rin ang pamilyang nanunuluyan sa naturang paaralan kung saan 13 pamilya na lamang ang nanatili dito na pawang mga taga Agoncillo.
Sa kabuuan, ayon sa DepEd division sa Batangas umabot na sa 17 mga paaralan sa lalawigan ang mayroon nang normal na klase matapos na magsilbing evacuation areas.