Marami sa atin ang humahanga sa kultura ng Japan dahil sa pagiging kakaiba nito. Maging ang kanilang educational system, iba sa ating nakasanayan dahil hindi pinapayagang mag-exam ang mga mag-aaral dito bago mag-Grade 4.
Naniniwala ang mga Japanese na mayroong mas mahalagang leksyon na dapat ituro sa mga bata na hindi masusukat ng anumang exam.
Sa murang edad, tinuturuan na sila ng tamang asal at respeto sa kapwa.
Iminumulat na rin ang mga batang Japanese na maging independent. Sa katunayan, Grade 1 pa lang, mag-isa na silang pumupunta sa kanilang paaralan, sakay ng bus o tren.
Wala ring janitors sa kanilang schools dahil ang mga mag-aaral mismo ang pinagkakatiwalaan sa kanilang classrooms. Dito, natututunan nila ang responsibilidad at pakikipagtulungan sa mga kaklase.
Binibigyang-diin din sa mga unang taon ng pag-aaral sa Japan ang pagiging magalang at punctual o nasa oras.
Higit sa lahat, itinuturo sa mga bata ang pagpapahalaga at pangangalaga sa kalikasan at sa mga hayop.
Mahalaga ang unang tatlong taon ng edukasyon sa Japan dahil dito nililinang ang pagkatao ng mga bata.
Dahil sa pagiging displinado, hindi nakapagtatakang isa ang Japan sa mga pinakamaunlad na bansa sa buong mundo.