Pinagsabihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na tanggapin ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pinauwi ng pamahalaan sa kani-kanilang mga lalawigan.
Ginawa ito ni DILG undersecretary Epimaco Densing sa harap ng galit na tweet ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na idinaan lamang sa text message ang advisory sa kanila na kailangan sunduin ang mga magbabalik-probinsya sa Tacloban City.
Ayon kay Densing, walang dahilan para hindi tanggapin sa mga probinsya ang mga uuwing OFWs dahil sobra-sobra na nga ang bilang ng araw na na quarantine ang mga ito bukod pa sa pawang negatibo ang mga ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Maaari anyang naidaan lamang sa text message ang advisory sa mga LGUs dahil noong linggo ng gabi lamang naman inilabas ang direktiba mula sa Palasyo na kailangang mapauwi na ang may 24,000 OFWs sa kani-kanilang lalawigan sa loob ng linggong ito. —sa panayam ng Ratsada Balita