Mistulang namatayan ng mahal sa buhay ang mga maggugulay sa Benguet makaraang mawasak ng bagyong Maring ang ekta-ektarya nilang mga tanim.
Kabilang sa mga labis na naapektuhan ang mga gulayan sa bayan ng La Trinidad, na pangunahing pinagkukunan ng supply ng Metro Manila.
Karamihan sa mga taniman ay nalubog sa baha habang ang iba sanang aanihin ay dumapa at nasira kaya’t itinatapon na lamang ang mga ito.
Nagpapasaklolo naman sa national government partikular sa Department of Agriculture si La Trinidad Mayor Romeo Salda para sa kanilang mga magsasaka.
Sa tansa ng La Trinidad Agricultural Office, aabot sa halos 40 ektarya ang napinsala ng bagyong maring, kasama ang mga strawberry farm, na isa sa pangunahing kabuhayan ng naturang bayan.
Dahil dito, nagbabadya ring tumaas ang presyo sa bagsakan ng gulay o sa La Trinidad Trading Post na inaasahang maka-aapekto sa supply sa Metro Manila.—sa panulat ni Drew Nacino