Maliban sa pribilehiyo na pumili ng brand ng COVID-19 vaccine, may tyansa ring makakuha ng cash at iba pang incentives ang mga magpapabakunang OFW sa Hongkong.
Ayon sa Philippine Overseas Labor Office o POLO, namamahagi ang Hongkong government ng cash incentives sa migrant workers, at bahay at kotse naman para sa mga bakunadong residente.
Ayon kay Labor Attaché Melchor Dizon, nasa 1,000 vaccination cards ng returning OFWs na fully vaccinated na laban sa COVID-19 ang na-validate ng POLO.
Hinikayat naman ni Dizon ang mga OFWs na magpabakuna bilang proteksyon laban sa virus at para na rin makapasok sa nasabing bansa.
Nakatakda namang alisin ng Hongkong government ang travel ban sa Pilipinas ngayong araw na magpapahintulot sa higit 3,000 stranded OFWs na lumipad patungo sa dating British colony.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico