Papatawan ng parusa ang sinumang nag-uudyok ng karahasan sa social media na maaaring maglagay sa isang Hukom sa panganib.
Ito ang ibinabala ng Supreme Court matapos talakayin ang pahayag ni dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict spokesperson Lorraine Badoy laban kay Judge Marlo Magdoza-Malagar ng Manila Regional Trial Court Branch 19.
Si Malagar ang naglabas ng desisyon na nagbasura sa hirit ng Department of Justice na ideklarang Terrorist Group ang CPP-NPA.
Ayon sa Korte Suprema, parusang Contempt of Court ang haharapin ng sinumang magbabanta laban sa isang Hukom at pamilya nito.
Una nang inakusahan ni Badoy si Judge Malagar na nag aabogado para sa CPP-NPA nang magpasya itong ang rebelyon at political crimes ay hindi maituturing na Acts of Terrorism.
Nagbanta pa si Badoy na kung papatayin niya ang naturang hukom dahil sa kaniyang political belief ay dapat maging maluwag din sa kanya ang Korte gaya ng ginagawa umano sa NDF-CPP-NPA.