Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) Civil Security Group (CSG) na walang babayarang multa ang mga magrerenew ng pasong rehistro at lisensya ng mga security agency, security guards at mga armas nito.
Iyan ang inihayag ni PNP CSG Director P/MGen. Roberto Fajardo matapos nilang palawigin pa ang validity ng mga firearms registration, license to operate firearms ng private security agencies at license to exercise security profession.
Ayon kay Fajardo, inaprubahan ni PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa ang kaniyang naging rekomendasyon sa kabuuan ng panahong umiiral ang enhanced community quarantine hanggang sa ika-14 ng Abril.
Mahalaga aniya ang papel ng mga security guard bilang force multipliers sa pagbabantay sa mga establisyemento sa panahong umiiral ang community quarantine.
Kabilang ang mga security guard sa exempted sa quarantine, basta’t ipakita lang ang kanilang mga identification o I.D. cards para payagang makalabas ng bahay at makapasok sa trabaho.