Patuloy ang pagtulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga nasalanta ng El Niño phenomenon.
Sa katunayan, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang paghahatid ng presidential assistance sa mga lokal na pamahalaan ng Davao.
Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P10,000 na tulong pinansyal para sa bawat magsasaka at mangingisdang apektado ng matinding tagtuyot sa Davao del Oro, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao del Sur, at Davao Occidental.
Nakatanggap din sila ng rice assistance mula sa opisina ni House Speaker Martin Romualdez.
Nagbigay naman ang Department of Agriculture (DA) ng mga kagamitang pansaka at pangingisda katulad ng rice combine harvester, tractor, inorganic fertilizers, fishing gears, at mga bangka.
Dagdag pa rito, nagsuplay ng coconut seedlings ang Philippine Coconut Authority (PCA) para sa mga magsasaka sa Davao del Sur.
Samantala, nagpaabot din ng tulong ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa rehiyon.
Kaugnay nito, nagkaloob ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng allowance para sa trainees ng organic agriculture production at mga kagamitan sa pag-aalaga ng mga baboy sa ilalim ng kanilang Special Training for Employment Program (STEP).
Ayon kay Pangulong Marcos, ang mga magsasaka at mangingisda ang bumubuhay sa mga pamayanan dahil sa pagkaing kanilang inihahain sa hapag ng bawat tahanan.
Dahil dito, patuloy na tinutulungan ng kanyang administrasyon ang mga nagsisilbing tagapangalaga sa sektor ng agrikultura.