Umagos ang pag-asa sa mga komunidad ng magsasaka sa kabila ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas mataas na ang itinakda na buying price ng NFA para sa pagbili ng wet at dry palay.
Ayon sa Department of Agriculture, nakinabang na ang ilang magsasaka mula sa Dipolog City at Surigao Del Sur sa itinakdang presyo matapos nila ibenta ang kanilang palay nang ₱23 kada kilo.
Sa anunsyo ni Pangulong Marcos Jr., ₱16 hanggang ₱19 kada kilo ang itinakdang farmgate price para sa fresh palay at ₱19 hanggang ₱23 naman para sa dry palay.
Tiniyak ni NFA Acting Assistant Region 11 Manager Floreena Lorainaon sa mga dumalo sa 16th National Rice Technology Forum sa Digos, Davao Del Sur na malapit nang ilabas ang panibagong gabay sa hanay ng presyo ng pagbili ng palay.
Sa ilalim ng Rice Tarrification Law, pwedeng bilhin ng NFA ang palay at bigas para masiguro ang buffer stock ng bansa, paliwanag ni Lorainaon.
Samantala, ayon kay DA Undersecretary Leo Sebastian, hepe ng Rice Industry Development, bumaba ang rice imports sa local markets na maituturing na magandang balita para sa mga magsasaka.
Dagdag ni Sebastian, layon ng pamahalaan na palakasin ang livelihood at i-stabilize ang presyo ng bigas matapos ituring na benchmark sa mga rice traders ang bagong hanay ng mga itinakdang presyo ng pagbili.