Umaaray ngayon ang mga magsasaka ng sibuyas matapos ibagsak-presyo ang kanilang mga produkto dahil umano sa mga imported na sibuyas.
Nanawagan ang mga farmers na itaas ang presyo ng kanilang inaaning sibuyas na dinadala sa mga pamilihan.
Bukod kasi sa nagmahal ang mga abono at mga pataba ay masyado raw mababa ang presyo nito na umaabot lang sa 25 pesos hanggang 30 pesos ang kada isang kilo.
Ayon sa ilang magsasaka, gabi at araw na silang nagtatrabaho sa sakahan upang makaani ng mas marami pang sibuyas dahil kinukulang ang kanilang kita sa liit ng presyo nito.
Sa naging pahayag ng Department of Agriculture (DA), pinapayagan lang ang importasyon ng sibuyas kung nagkukulang na ang suplay nito sa pamilihan.
Sinabi din ng ahensya na mayroong nakahandang technical assistance ang DA para sa mga magsasaka na apektado ng bagsak-presyo ng sibuyas. —sa panulat ni Angelica Doctolero