Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng isang bilyong pisong pondo para sa susunod na taon bilang tulong sa mga nagtatanim ng mais at mangingisda.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na sa pondong ito 510.45 million pesos ay para sa Department of Agriculture (DA) upang maipagkaloob sa mga nagtatanim ng mais o corn farmers habang ang 489.6 million pesos ay bahagi ng budget ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para ibigay naman sa mga mangingisda.
Dagdag pa nito, doble ang budget na ito mula sa 500 milyong pisong budget para sa taong kasalukuyan.
Aniya, layunin nito na maipagpatuloy ang pamamahagi ng fuel discounts sa kwalipikadong magsasaka at mangingisda na nag-ooperate ng agricultural at fishery machineries.
Gayunpaman, ani Pangandaman na hindi pa naisasapinal ang patakaran para sa pagpapatupad nito dahil nakasalalay sa magiging kondisyon ng Dubai Crude Oil Price ang programa kung saan dapat mas mataas sa 80 dollars per barrel ang presyo ng krudo sa tatlong magkakasunod na buwan.
Samantala, tiniyak naman ni Pangandaman na may alokasyon din sila ng 10 bilyong pisong pondo para sa Right Competitive Enhancement Fund para sa susunod na taon.