Nanganganib maging plantito at plantita na lamang ang mga magsasaka ng palay sa bansa.
Ito ayon kay Senate President Protempore Ralph Recto ay kapag nakita ng mga magsasaka na mas mahal ang bentahan ng mga halaman.
Una nang nanawagan ang Department of Agriculture na maimbestigahan at maaksyunan ang report na P12.00 na lamang kada kilo ang buying price ng palay na mas mura pa kaysa presyo ng face mask.
Sinabi ni Recto na dapat pa ring i-verify ang official report ng gobyerno na sinasabing P17.6 ang average farm gate price ng kada kilo ng palay dahil hindi naman aniya ganito ang nasusunod na bilihan ng palay.
Kapag P12.00 lang ang buying price ng palay inihayag ni Recto na lugi o walang kita ang mga magsasaka dahil hindi nila mababawi ang production cost at kita pa naman ng palay ng mga magsasaka ang nakakapagpasigla sa maraming rural economy at pambawi sa dumaming nawalan ng trabaho sa urban areas. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)