Dumoble ang kita ng mga magsasaka ng palay sa Mamasapano, Maguindanao del Sur sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay ayon kay Bangsamoro Transition Authority (BTA) Interim Parliament member Atty. Suharto Ambolodto na ibinahagi ang malaking progreso sa Mamasapano, partikular na sa sektor ng agrikultura.
Mula P13 per kilo, naibebenta na ng mga magsasaka ng palay sa Mamasapano ang kanilang ani ng mas mataas sa P22 per kilo. Ayon kay Atty. Ambolodto, kung dati ay kumikita ang kanilang magsasaka ng P65,000 per hectare, ngayon, nagkakahalaga na ang isang ektarya ng P248,000.
Malaki ang naging bahagi ng direksyon ni Pangulong Marcos sa pagpapalakas ng produksyon ng bigas, na siyang nakatulong sa mga magsasaka. Sa katunayan, nabawasan ng 300,000 metric tons (MT) ang rice imports ng bansa.
Sa ilalim din ng administrasyong Marcos, naitala ng Pilipinas ang pinakamalaking ani nitong 20.06 million MT ng palay noong 2023. Mas mataas ito ng 1.5% kumpara sa 19.76 million MT ng palay noong 2022.
Samantala, tiniyak naman ng Pangulo na makakaasa ang mga magsasaka na patuloy silang susuportahan ng pamahalaan at titiyaking mayroon silang modernong kaalaman sa agrikultura.
Kamakailan nga lang, namahagi si Pangulong Marcos ng financial assistance, hauling truck, rice seeds, fertilizer discount vouchers, at iba pang mga tulong sa higit 12,000 farmers at sampung kooperatiba at asosasyon sa Candaba, Pampanga.
Dahil sa mga napakahalagang hakbang na ito, umaasa ang Mamasapano na makikilala na ito hindi bilang war zone, kundi isang rice zone sa ilalim ng Bagong Pilipinas.