Nangangamba ang mga magsasaka ng tabako na hindi na sila makapagtatanim sa susunod na taon.
Inihayag ni Mario Cabasal, pangulo ng National Federation of Tobacco Farmers and Cooperatives, ang pangamba kasunod ng paglagda ng pangulong Rodrigo Duterte sa executive order (EO) na nagbabawal sa paninigarilyo sa pampubliko at saradong mga lugar.
Ayon kay Cabasal, maliban sa EO ng pangulo, nauna nang naapektuhan ang kanilang kita nang ipasara ng pamahalaan ang Mighty corporation na anyay nangunguna sa pagbili ng mga lokal na tabako.
Sa region 1 pa lamang anya ay may limampu’t limang libo na ang nagtatanim ng tabako na apektado ng EO laban sa paninigarilyo.
Dahil dito, sinabi ni Cabasal na may kumikilos na sa kanilang grupo upang umapela ng dayalogo sa Pangulong Duterte.
By Len Aguirre
Mga magsasaka ng tabako nangangamba na hindi na sila makapagtatanim sa susunod na taon was last modified: May 19th, 2017 by DWIZ 882