Sinisisi ng mga magsasaka ang pagdagsa ng murang imported na bigas sa anila’y bagsak presyong bentahan ng palay sa ilang probinsya.
Ayon sa SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura, nasa P14 kada kilo ang bagong aning palay sa region 1, P13.50 naman ang kada kilo sa region 2 at sampung piso kada kilo sa Mindoro.
Sinabi ni SINAG Chairman Rosendo So na ang mga nasabing presyo ay pawang mababa kumpara sa production cost o ginagastos ng mga magsasaka sa pagtatanim hanggang sa pag-ani ng palay na P15.50 ang kada kilo.
Hindi aniya dapat bumaba sa P17 ang kada kilo ng bagong aning palay at hindi bababa sa P20 sa kada kilo ng tuyong palay.
Binigyang-diin ni Raul Montemayor, National Manager ng Federation of Free Farmers na hindi nakatulong ang rice tariffication law na una nang nangako ng mas malaking kita para sa mga magsasaka at mas murang bigas para sa consumers.