Inaasahang magsisibalik na sa Maynila ngayong araw ang lahat ng mga nagsipagbiyahe sa mga lalawigan para doon gunitain ang Semana Santa.
Dahil dito, asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing expressway sa Luzon tulad ng southbound ng NLEX o North Luzon Expressway at northbound naman ng SLEX o South Luzon Expressway.
Kasunod nito, handa na rin ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority sa pagmamando ng trapiko partikular na sa eEDSA para sa pagbabalikan ng mga bakasyunista mula sa mga lalawigan.
Samantala, naitala ng Clark International Airport ang all-time high na bilang ng mga pasaherong dumagsa sa kanilang paliparan nitong Marso.
Ayon sa DOTr o Department of Transportation, umabot sa mahigit 207,000 pasahero ang dumagsa nitong Marso 30 pa lamang.
Hindi pa kasama rito ang dumagsang mga pasahero kahapon, Marso 31 na tinatayang umabot sa humigit kumulang 6,000 na mas mataas kumpara sa halos 200,000 noong Enero.
Dagdag pa ng DOTr, sakaling magtuluy-tuloy ang dagsa ng mga pasahero sa naturang paliparan, posible na nitong maungusan ang 2017 all-time high na passenger record na naitala sa 1.5 milyon.