Pinaplantsa na ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption ang pakikipagkita ng mga magulang ni Horacio Tomas o Atio Castillo III kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y ayon kay VACC Founding Chairman Dante Jimenez ay makaraang magpasaklolo sa kaniya ang ama ni Atio na si Horacio Jr. upang makausap ang Pangulo at hilingin dito ang maayos na paghawak sa kaso ng kanyang anak.
Binigyang diin ni Jimenez na bagama’t batid ng mag-asawang Horacio Jr. at Carminia na miyembro rin ng fraternity ang Pangulo, nais nilang humingi ng katiyakang makakamit nila ang hustisya.
Nangangamba aniya ang mga magulang ni Atio na matulad lamang sa iba pa ang kaso ng hazing tulad ng sa kanilang anak na napawawalang sala ang mga salarin dahil sa mabagal na proseso ng batas sa bansa.
—-