Makikinabang lalo na ang mga mahihirap na Pilipino sa ikinakasang registration simula ngayong araw na ito para sa National Identification System.
Ayon ito kay Assistant Secretary Rosalinda Bautista, director ng Philippine Statistics Authority (PSA), dahil ang nasabing ID ay magagamit para makapagbukas ng bank account ang mga mahihirap na Pinoy.
Financial inclusion ngayong taon na ito, para doon sa mga mahihirap na kapwa Pilipino na hindi makapag-open ng bank account dahil wala silang pagkakilanlan na ipe-present, ito po ay para sa kanila,” ani Bautista.
Ipinabatid pa sa DWIZ ni Bautista na sisimulan nila ang proseso ng registration sa unang 5-milyong household sa 32 probinsya na tututukan ng kanilang supervisors at enumerators para kumuha ng personal details at bigyan ng schedule nang pagtungo sa mga munisipyo simula sa ika-25 ng Nobyembre.
Pagpunta po doon sa bahay, tatanungin po sila ng demographic characteristics at bibigyan sila ng appointment para sa kanilang pagpunta sa registration center na nasa kanilang munisipyo starting November 25. So, may schedule po na ilalagay sa kanila. Bakit kailangang may schedule? Para makontrol natin ‘yung pagdagsa ng mga tao sa munisipyo para po ma-ensure ang health and safety protocol,” ani Bautista. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882