Maihahalintulad sa pandemya ang kawalan ng alokasyon para sa kalusugan ng sambayanan sa ilalim ng 2025 national budget.
Ito ang iginiit ni Senator Imee Marcos, kasabay ng pahayag na mas maraming buhay ang nalalagay sa peligro, maraming nababagabag at nagkakasakit na nauuwi sa tiyak na kamatayan.
Tanong ngayon ni Senador Marcos sa mga kapwa-mambabatas kung wala nga bang nangyaring himala sa niratipikahang proposed national budget ng Bicameral Conference Committee.
Ito’y matapos alisin ng kongreso ang 74-billion peso subsidy ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa susunod na taon.
Idiniin ng Senador na kung kabuktutan ng mga namamahala sa PhilHealth ang problema’t dahilan ng pag-aalis ng budget nito, mali aniyang solusyon na parusahan ang mga naghihikahos na pasyente at i-zero ang mga nabubulok nang ospital.
Nang dahil aniya sa bilyones na alokasyon sa Medical Assistance for Indigent Program (MA-IP), ang mahihirap na pasyente ang nagdurusa at kinakailangan pang pumila at mistulang mamanikluhod sa ilang opisyal ng pamahalaan.