Binanatan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga mahitrado ng Court of Appeals na nagpalabas ng kautusan para sa pagpapalaya ng tinaguriang Ilocos Six na nakapiit ngayon sa batasang pambansa.
Ayon kay Alvarez, sumosobra na aniya ang mga mahistrado ng Appellate Court dahil sa wala naman itong hurisdiksyon sa mga hakbang ng lehislatura bilang hiwalay na sangay ng pamahalaan.
Dahil dito, nagbanta si Alvarez na maghain ng disbarment case laban kay C.A. Special 4th division Acting Presiding Justice Stephen Cruz at mga kasama nitong sina Justices Erwin Sorsogon at Nina Antonino Valenzuela dahil sa pakiki-alam umano nito sa Kamara.
Giit ni Alvarez, basta na lamang nanghimasok ang CA na hindi man lamang tinitingnan ang desisyon kamakailan ng Korte Suprema na nagpatibay sa karapatan ng Kongreso na mag-cite for contempt sa mga testigo na hindi nagsasabi ng totoo.
Magugunitang ikinulong ang Ilocos 6 dahil sa hindi nito pagsasabi ng totoo kaugnay sa umano’y paglustay ng Ilocos Norte Provincial Government sa pondo mula sa excise tax sa tabako.
By: Jaymark Dagala