Idinetalye ng mga mahistrado ng Korte Suprema na dumalo sa pagdinig ng House justice Committee ang isa sa mga grounds ng impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na “culpable violation of constitution.”
Nakapaloob dito ang alegasyon ng complainant na si Atty. Larry Gadon na minanipula at dinelay ni Sereno ang pagdedesisyon sa hiling ng Department of Justice o DOJ na ilipat sa Maynila ang pagdinig sa kaso ng mga Maute.
Sinabi ni Associate Justice Noel Tijam na may iregularidad sa desisyong sinolo ng Punong Mahistrado ang kaso dahil ipinalabas nito na sinang- ayunan ng mga miyembro ng Court En Banc na sa Cagayan de Oro na lang ilipat ang Maute cases imbes na sa Maynila.
Para naman kay Associate Justice Teresita Leonardo De Castro, kawalang respeto sa Supreme Court En Banc ang ginawang pagmamalabis ni Sereno sa kanyang posisyon.
Sa panig naman ni retired Associate Justice Arturo Brion, iginiit nito na dapat igalang ni Sereno ang kanilang trabaho bilang mga mahistrado ng Korte Suprema.
Samantala hindi pa rin dumalo sa pagdinig si Sereno ngunit nanindigan ang kanyang tagapagsalita na walang mali sa ginawa ng Punong Mahistrado.
—-