Aarestuhin pero hindi kakasuhan ang mga mahuhuling gumagamit ng e-cigarettes o vape sa mga pampublikong lugar.
Ito ang binigyang diin ng Philippine National Police (PNP) alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-ban o ipagbawal ang pag-angkat, pagbenta at paggamit ng vape.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. General Bernard Banac, dadalhin lamang sa presinto ang mga mahuhuling lumabag para mai-blotter at pagpaliwanagin atsaka agad ding palalayain.
Iginit ni Banac na hindi makukulong ang mga mahuhuli dahil walang nakasaad sa batas hinggil sa pagpapataw ng parusa sa mga ito.
Dagdag ni Banac, wala silang sapat na batayan para sa pagpapatupad ng total ban sa paggamit ng vape at ginagamit lamang nilang reference ang Executive Order number 26 na ipinalabas ng pangulo noong 2017 laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.