Binigyang pugay ni Vice President Leni Robredo ang mga manggagawa at mga sundalo bilang paggunita sa National Heroes’ Day ngayong araw.
Ayon kay Robredo, hindi dapat kalimutan ang mga manggagawa na maituturing na mga makabagong bayani ng panahon na aniya’y araw-araw na nagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Partikular aniya rito ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtitiis na makipagsapalaran sa ibayong dagat para mabigyan ng magandang buhay ang kani-kanilang pamilya at maging ang bansa.
Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo, saludo rin siya sa mga sundalo na nagsasakripisyo para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Kasabay nito, binigyang diin ni Robredo ang kahalagahan ng mga iniwang aral ng mga Pilipinong bayani lalo na sa mga panahong nahaharap aniya sa hamon ang demokrasya ng bansa.
—-