Posibleng bilhin na ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga vote counting machines (VCMs) mula sa Smartmatic para gamitin sa mga susunod pang halalan.
Ito’y sa kabila ng panawagan ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na tuluyan nang i-blacklist ang Smartmatic dahil sa masamang reputasyon nito sa iba’t ibang mga bansa pagdating sa halalan.
Ayon kay COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, mas makamumura umano sila kung bibilhin na lang ang may siyamnapu’t dalawang libong (92,000) mga VCM sa halip na arkilahin o rentahan ito sa Smartmatic.
Binigyang diin ni Guanzon, kumpara aniya sa anim na bilyong pisong halaga ng mga bagong makina mula sa ibang suplayer, aabot lamang aniya ng 1.9 bilyong piso ang gagastusin ng gobyerno kung mula sa Smartmatic ang mga bibilhing makina.
Samantala, makabubuting humanap na lamang ng ibang supplier ang COMELEC para sa mga makinang ginagamit sa tuwing magdaraos ang Pilipinas ng halalan.
Iyan ang payo ni Senador Panfilo Lacson sa COMELEC kaugnay ng plano nito na bilhin na lamang ang halos 100,000 mga VCM mula sa Smartmatic para sa 2019 mid-term elections.
Giit ni Lacson, nakapagtataka na ang tila laging pagkiling ng COMELEC sa Smartmatic gayung batid na ng sambayanang Pilipino ang hindi magandang record nito sa iba pang mga bansa bilang automated election systems provider.
Maliban kay Lacson, ganito rin ang reaksyon nila Senadora Nancy Binay at Senate Majority Leader Tito Sotto na kapwa nagbunyag hinggil sa umano’y nangyaring dayaan noong 2016 elections sa ilalim ng Smartmatic.
—-