Nangangamba ang ilang maliliit na negosyo sa posibleng umento sa sahod ng mga manggagawa.
Matatandaang pinamamadali na ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang pagreview sa minimum wage upang matulungan ang mga ordinaryong manggagawa.
Inihalimbawa ni Bello ang minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila kung saan, ang P537 kada araw ay hindi umanot sapat para ipambayad kabilang na dito ang pagkain, kuryente at tubig bagay na sinang-ayunan ng Malacañang.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar, kailangang dagdagan ang pasahod dahil kakapusin ang kinikita o sinasahod ng mga manggagawa kung mananatili sa P537 ang minimum wage.
Ayon kay Sergio Ortiz-Luis, presidente ng Employers Confederation of the Philippines, posibleng mas dumami ang bilang ng mga manggagawang mawawalan ng trabaho dahil hindi raw kakayanin ng maliliit na negosyo na magpasahod.
Bukod pa dito, posible din na muling magsara ang mga maliliit na negosyo dahil sa umento sa sahod kaya dapat na mabigyan sila ng diskwento para makasabay din sa pag-angat ng ekonmiya ng bansa.—sa panulat ni Angelica Doctolero