Maagang magsasara ang mga pangunahing mall sa Metro Manila at mga karatig lalawigan nito na nakapailalim sa NCR plus bubble.
Ito’y makaraang ideklara ng Inter-Agency Task Force (IATF) na muling isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Mega Manila sa buong Holy Week o mga Semana Santa.
Matapos ang anunsyo ng malakaniyang kagabi, sabay-sabay na nagsunuran ng kanilang abiso ang mga mall sa kanilang social media accounts.
Batay sa kanilang abiso, magsasara ang mga mall ganap na ala 6:00 ng gabi sa Lunes, Marso 29 kasabay ng ipatutupad na mas pinaagang curfew na tatagal naman hanggang sa linggo ng pagkabuhay, Abril 4.
Gayunman, tanging ang supermarket, pharmacy, bangko at hardware lamang ang magbubukas sa mga nabanggit na mall habang mahigpit na ipagbabawal ang dine in kahit na al fresco sa halip, take out at delivery lamang ang papayagan.
Una nang tiniyak ng Malakaniyang na mananatiling bukas ang mga supermarket at palengke sa ilalim ng ECQ upang mapanatiling matatag ang suplay at presyo ng pagkain kaya’t walang dahilan para magpanic-buying.