Nagkasundo na sina DSWD secretary Erwin Tulfo at Interior Secretary Benhur Abalos para sa mas maayos na pamamahagi ng educational assistance sa bansa.
Kasunod ito ng paghingi ng tulong ni Tulfo sa mga LGUs matapos dumugin ng tao ang pamamahagi ng ayuda kahapon.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Tulfo na ang mismong LGUs na ang maghahanap ng venue kung saan magtutungo ang mga kukuha ng ayuda.
Halimbawa rito ang mga malls, covered court, gymnasium na isasapubliko sa Huwebes o Biyernes.
This time… ang gagawin natin, ang DSWD ang mag iinterview at ang magpapayout lamang, ang mga tauhan ng city hall sila magbibigay, pero kami ang magiinterview sa frontline, so, sa likod naming… ay ang mga social worker namin ay ang payout na, so ganun ang mangyayari, kami ang magi-interview…. Hindi yung tiga city hall.. taga munisipyo..”
Sa datos ng DSWD kahapon, aabot sa P141 million na halaga ng educational assistance ang naipamahagi ng DSWD sa 48, 000 mag-aaral.
Posible pa sanang mapataas ang bilang pero sinuspinde ito ng DSWD sa ilang bahagi ng bansa.
Tiniyak naman ni Tulfo na babawi siya sa susunod na linggo para mas marami ang makakuha ng tulong.
Dapat po mas mataas pa doon.. sa sir, unfortunately nagkagulo nga po…ayun nadisorganize, pero like I said po, babawi kami next week, dahil ang gagawin po namin ay nakipagugnayan na po kami sa DILG kahapon, at naggagawa po kami ng Memorandum of Agreement para bukas ibaba na po namin sa mga lungsod ng munisipyo, bayan ang pagbibigyan ng ayuda, so hindi na lalayo, yung mga kababayan natin, hahanapin ang DSWD offices kundi doon na mismo sa mga bayan nila o sa mga lungsod sila pupunta para kumuha ng kanilang educational assistance”. —DSWD secretary Erwin Tulfo sa panayam ng DWIZ