Naranasan mo na bang pumasok sa iyong trabaho nang malungkot o sobrang stressed? Hindi ba napakahirap mag-focus sa iyong tasks dahil mas gugustuhin mo na lang na magkulong sa iyong kwarto at magpahinga?
Hindi ito problema ng mga empleyado ng Fat Dong Lai, isang supermarket chain sa China, dahil maaari silang mag-request ng ‘sad leave.’
Ayon sa chairman ng Fat Dong Lai na si Yu Dong Lai, lahat naman ay nakararanas ng kalungkutan; natural lang ito.
Dahil dito, nag-aalok ang kumpanya ng 10 days of annual sad leave para sa kanilang mga empleyado.
Pwedeng mag-file ng sad leave ang mga tauhan ng naturang supermarket anumang araw at hindi ito pwedeng i-reject ng managers.
Sa kabuuan, mayroong 40 days of leave kada taon ang mga tauhan ng Fat Dong Lai. Limang araw pa silang walang pasok tuwing Chinese New Year!
Bukod pa rito, pitong oras lang silang nagtratrabaho sa isang araw; limang beses sa isang linggo. Kontra ito sa notorious 12-hour per day, 6-day workweek na ipinatutupad ng ibang Chinese companies.
Kung insultuhin o pagbantaan naman ng customers, pagkakalooban ang supermarket employees ng P40,000 dahil sa on-the-job grievances.
Kung bilib ka na rito, mas lalo kang mamamangha kapag malaman mong lahat ng empleyado ay may overseas vacations! Libreng makapupunta sa Europe ang managers, samantalang sa Japan naman makapagbabakasyon ang kanilang mga tauhan.
Sa mundong trabaho ang kadalasang ginagawa nating prayoridad, malaki ang tulong ng mga kumpanyang inuuna ang kalagayan at kapakanan ng kanilang mga tauhan.