Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga taga-media na huwag tumigil sa pagpapamalas ng kahulugan ng isang tunay na mamamahayag.
Sa ika-limampung anibersaryo ng Publishers Association of the Philippines o PAPI, sinabi ni PBBM na dapat patuloy na mag-innovate at sumabay sa pagbabago at pangangailangan ng makabagong panahon ang mga mamamahayag nang hindi nakokompromiso ang kanilang prinsipyo.
Giit ng Pangulo, isang pangangailangan ang pagkakaroon ng mulat at maalam na mamamayan sa bansa, upang magabayan ang mga ito sa tama at matalinong pagdedesisyon kaugnay sa kanilang mga lider, sa kanilang sitwasyon, at sa kasalukuyan nilang kondisyon.
Kasabay nito, nangako ang punong ehekutibo na sa ilalim ng kanyang administrasyon, nakasuporta ito sa paggampan ng mga mamamahayag ng kanilang tungkulin.
Paliwanag pa ni Pangulong Marcos, katuwang ng gobyerno ang media sa paghahatid sa publiko ng tama o totoong impormasyon.