Pumalag ang mga mamamahayag na nagko–cover sa DOJ o Department of Justice matapos na sabihin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na-misquoted sya sa naging ulat na nag-uugnay sa oposisyon sa Marawi Crisis.
Ayon sa Justice and Court Reporters Association, batay sa kanilang nakuhang video, voice recording at maging Facebook live coverage noong pressconference ng kalihim ay maririnig na verbatim at tanging mga detalye lamang ang kanilang inuulat sa publiko.
Kasama pa nga dito ay pagpapakita ni Aguirre ng sa kanyang mobile phone ng larawan nina Senator Antonio Trillanes, Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano at dating Presidential Adviser Ronald Llamas sa isang pulong.
Narinig ding binanggit ng kalihim ang Lucman at Alonto Clan na sinasabing may kinalaman sa krisis sa Marawi.
Sinuportahan naman ng National Union of Journalist of the Philippines ang naging posisyon ng mga reporter sa DOJ na hindi nagkaroon ng misquotation.
Giniit ng grupo na hindi dapat na maging scape goat ang media sa tuwing nagkakamali ito sa kanyang mga pahayag.
By Rianne Briones