Nagsama-sama ang malalaking pangalan sa mundo ng radyo at TV broadcast sa ikalawang gabi ng burol ng batikang mamamahayag na si Joe Taruc o Jose Malgapo Jr. sa tunay na buhay.
Ito’y sa ginawang Broadcaster’s Night na ginawa sa Arlington Memorial Chapels sa Quezon City upang bigyang pugay ang mga iniwang ala-ala at legacy ni Manong Joe sa mundo ng pamamahayag.
Kabilang sa mga nagbigay ng eulogy kay Manong Joe ang mga naging kasamahan nito sa industriya tulad nila dating Vice President Noli De Castro, dating Senador Orly Mercado at batikang brodkaster na si Rey Langit.
Nagbigay pugay din ang mga naging kasamahan ni Manong Joe sa kaniyang himpilang DZRH tulad nila Lakay Deo Macalma, Andy Verde, dating Congressman Angelo Palmones at iba pa.
Ayon sa anak ni Manong Joe na si Jay Taruc, hanggang 8:00 lamang ng gabi ng Oktubre 3, bubuksan sa publiko ang burol ng kanilang ama at nakatakdang dalhin ang labi nito sa kanilang hometown sa Gapan, Nueva Ecija sa Oktubre 4.
Nakatakda namang ihatid sa kaniyang huling hantungan si Manong Joe sa darating na araw ng Sabado, Oktubre 7 sa Nueva Ecija.