Idinaan sa pagbibisikleta ng ilang mamamahayag ang kanilang panawagan sa pamahalaan na itaguyod at ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag.
Ito’y kasunod ng ikinasang bike for press freedom ng mga grupong Intermidya, International Association of Women in Radio and television – Philippines Chapter at National Union of journalist of the Philippines (NUJP).
Nilibot ng dose-dosenang mamamahayag gamit ang kanilang mga bisikleta ang University of the Philippines (UP) Diliman, bumagtas patungong tanggapan ng ABS-CBN at saka tumulak patungong Commission on Human Rights (CHR).
Nakadikit sa mga biker ang mga karatulang naghahayag ng suporta sa pagpapalaya kina Frenchie Cumpio at Lady Ann Salem na inaresto ng mga awtoridad at sinampahan umano ng gawa-gawang kaso.
Kasunod nito, kinalampag din ng grupo ang kongreso dahil sa ginawang pag-archive nito sa aplikasyon ng ABS – CBN para sa kanilang prangkisa