Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces na i-contain ang mga banta ng mga terorista partikular ng ISIS, Abu Sayyaf at Maute Group at pakikipag-bakbakan sa mga bandidong grupo sa ilang piling lugar sa bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, kung hindi ito magagawa ng militar ay mapipilitan siyang payagan ang mga mamamayan na mag-armas.
Maaari anyang matulad ang sitwasyon ngayon sa panahong namamayagpag ang anti-communist vigilante group na Alsa Masa na nagsimula sa Davao City noong dekada otsenta (80).
Iginiit ng Pangulo na hindi dapat kumalat ang kaguluhan dahil maraming madadamay na inosente at hangga’t maaari ay manatili lamang ang bakbakan sa Mindanao.
Anti-drug campaign
Samantala, inatasan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na itigil na ang lahat ng anti-illegal drugs operations sa bansa.
Ito’y upang magbigay-daan muna sa paglilinis sa hanay ng Philippine National Police (PNP) makaraang masangkot ang ilang pulis sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick-Joo.
Sa oras anyang matapos ang “internal cleansing” ay babalik ang kampanya kontra droga at habang nagpapahinga ang PNP ay tututok sa operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency katuwang ang militar.
Magugunitang ipinabuwag din ng Pangulo ang lahat ng PNP unit na nakatutok sa kampanya kontra droga partikular ang Anti-Illegal Drugs Group kung saan miyembro ang sina Supt. Raphael Dumlao at SPO3 Ricky Sta. Isabel na pangunahing sangkot sa pagdukot at pagpatay kay Jee.
By Drew Nacino