Nagbabala ang North Korea sa mga mamamayan nito na maghanda para sa matinding pagkagutom o famine.
Sa editoryal ng Rodong Sinmun Newspaper na pinatatakbo ng gobyerno ng NoKor, iginiit na nahaharap ito sa matinding pagsubok kasabay ng pagdedeklara ng implementasyon ng 70 araw na “loyalty campaign.”
Ginawa ang announcement ilang linggo matapos patawan ng mabigat na parusa ng United Nations Security Council ang NoKor bunsod ng inilunsad nitong missile tests.
Isiniwalat naman ng South Korea Newspaper na Chosun Ilbo na bawat residente ng Pyongyang ay inatasang maglaan ng 2.2 pounds ng bigas kada buwan sa government storage facilities.
Sinasabing ipinag-utos din sa mga magsasaka na mag-ambag ng mga karagdagang rasyon sa North Korean military.
Matatandaang nakaranas na ng matinding pagkagutom o famine ang North Korea noong mid-1990s kung saan tinatayang 3 milyon katao ang nasawi.
By Jelbert Perdez