Hati ang opinyon ng mga mambabatas sa panukalang lakihan ang plate number ng mga motorsiklo.
Kasunod ito ng pagtaas ng mga naitatalang krimen na kinasasangkutan ng mga riding in tandem.
Ayon kay Samar 1st District Representative Edgar Mary Sarmiento, pabor siya sa nasabing panukala dahil sa mataas na naitatalang kaso ng patayan sa kanyang nasasakupang distrito.
Iginiit naman ni Bukidnon 3rd District Rep. Manuel Zubiri na dapat ang PNP o Philippine National Police ang kumilos laban sa riding in tandem kung saan bago pa man sana nagawa ang krimen ay naaresto na ito.
Inalmahan ng mga grupo ng mga motor riders ang nasabing panukala at binigyang diin na hindi nito mareresolba ang krimen dahil kalimitan sa mga motorsiklong ginagamit ng mga kriminal ay nakaw lamang.
Samantala, una nang inaprubahan ng Senado ang nasabing panukala kung saan, gagawin nang 6 by 9 inches ang mga plaka ng motorsiklo mula sa kasalukuyang 4 by 8 inches para mas madali itong mabasa.
—-