Mahilig ka bang mag-TikTok? O kaya naman mag-scroll sa Facebook? Normal man ito para sa karamihan, marami pa ring Pilipino ang hirap o kaya naman wala talagang access sa internet. Ayon kay San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Rida Robes, tinatayang 25 milyong Pilipino ang nananatiling walang access sa internet, partikular na sa mga liblib na lugar kung saan isyu pa rin ang physical at broadband isolation.
Kaya naman pinuri ng mga mambabatas ang plano ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na dalhin ang first two internet satellites sa bansa na tiyak na magbibigay serbisyo sa unserved at underserved areas sa bansa.
Naging posible ang programa ni Pangulong Marcos na dalhin ang dalawang internet satellites sa Pilipinas dahil sa pormal na paglagda ng Astranis Space Technologies Corp. at Orbits Corp. sa kasunduan na maglulunsad ng MicroGEO satellites. Nangyari ito sa working visit ng Pangulo sa Amerika nitong November 15, 2023.
Tatawaging ‘Agila’ ang bagong satellite na siyang pambansang ibon ng Pilipinas. Ayon kay Astranis Co-founder and CEO John Gedmark, ilulunsad ang naturang satellite sa first quarter ng 2024 na inaasahang sasakop sa higit 10 million users at 30,000 barangays sa Pilipinas.
Ayon sa Vice Chairman of Senate Committee on Science and Technology na si Senator Francis Tolentino, maraming lugar sa bansa ang nakararanas ng technological poverty at maraming Pilipino ang internet poor. Dahil umano ito sa tingin ng telecommunications companies, economically unfeasible o hindi praktikal ang gastos sa pagbibigay ng serbisyo sa mga liblib na lugar. Aniya, nagdudulot ito ng economic stagnation o kawalan ng paglago sa ekonomiya.
Kaya naman para sa senador, magbubukas ang inisyatibo ni Pangulong Marcos ng mas masiglang economic activities. Binigyang-diin niya ang potential benefits ng pagkakaroon ng internet satellite sa bansa, kabilang na ang mas pinabuting edukasyon para sa mga estudyante, mas pinalakas na marketing capabilities para sa mga negosyante, at crucial access sa weather information na siyang makatutulong sa mga magsasaka.
Ayon naman kay Rep. Robes na miyembro rin ng House Information and Communications Technology Committee, napakahalagang papel ang ginagampanan ni Pangulong Marcos upang tugunan ang digital divide sa bansa. Aniya, ang daming economic opportunites na magpapaganda sana ng buhay ang hindi napakikinabangan ng mga Pilipinong nasa liblib na lugar dahil sa broadband isolation. Sa pagkakaroon ng internet sa mga naturang lugar, lalago rin aniya ang demokrasya dahil lumilikha ng mulat na mamamayan ang pagkakaroon ng access sa malayang impormasyon.
Bukod sa mga ito, inaasahang lilikha ang programa ng mahigit 10,000 jobs, pati na rin ng $400 million investment sa susunod na walong taon.
Sa panahon ngayon, napakahalaga ng internet. Walang araw na hindi tayo gumagamit nito, dahil man yan sa trabaho, entertainment, o kagustuhang makipag-usap sa mga mahal natin sa buhay. Sa pagkakaroon ng internet satellite na nakalaan lamang para serbisyuhan ang mga liblib na lugar sa Pilipinas, mas tatatag ang koneksyon nating mga Pilipino—mapa-online man yan or in real life.