Hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili na ireport sa kanilang tanggapan kung papalo sa 190 hanggang 200 pesos ang kilo ng manok.
Ayon sa DTI, masyado nang mahal ang 190 hanggang 200 pesos na presyo ng isang kilo ng manok.
Bibigyan anila ng show cause order ang mga retailer at hihingan ng paliwanag kung bakit mataas ang presyo ng ibinebenta nilang manok.
“Pwede pa natin puntahan at sitahin na ibaba nila yon. Kaya nga basta may complaint, sabihin lang. Pagka may 190 to 100 (na presyo ng manok), yun ay kailangan i-report.”ani DTI Secretary Ramon Lopez .
Maituturing na sobra sobra ang 190 hanggang 200 pesos na presyo ng manok sa merkado.
Ayon kay Bong Inciong, pangulo ng United Broilers and Raisers Association o UBRA, pumapalo lamang ngayon sa 112 ang farm gate ng manok dahil marami ang produksyon tuwing magtatapos ang taon dahil sa paghahanda sa kapaskuhan.
“Plus 50 pesos, retail na yan dapat. Ngayon palagay na may ibang gastusin, magbigay ka ng allowance. Mataas talaga yung 200 pesos. Napakalayo na. Dapat nga 162 pesos lang talaga. Nsa last quarter na tayo, panahon talaga na marami kaming production at panahon rin ng maraming importation at tingin ko matutugunan yung suplay, may hamon lang tayo sa presyuhan,” ani Inciong.