Dapat daw isama sa magiging prayoridad sa bibigyan ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga manggagawa sa sektor na kritikal sa patuloy na paggalaw ng ekonomiya.
Ito ang panawagan ni Senate Committee on Labor and Employment Chairman Senator Joel Villanueva sa National Task Force on COVID-19.
Maliban sa mga frontline service personnel gaya ng healthcare workers, pulis at sundalo, mahalaga rin aniya na mauna sa bakuna ang mga factory worker, construction worker at market vendor.
Gayundin ang driver ng pampublikong sasakyan at nasa logistics sector o mga byahero, ang mga nagtatrabaho sa restaurants at private security workers.
Giit ni Villanueva, ang mga nabanggit ang katuwang sa pagsiguro na may nabibiling pagkain ang publiko at sila rin ang naghahatid ng mga manggawa sa trabaho, ngunit sila rin ang tumatanggap ng mababang sweldo, araw-araw na nagko-commute, nakakasalamuha ang maraming tao sa byahe at trabaho at laging kasama ang pamilya kaya naman malaki rin ang sinusuong na panganib na sila ay mahawakan at magkalat din ng virus.
Batay dito, iginiit ng senador sa National Task Force na ikunsidera sa bigayan ng bakuna ang day-to-day na kinakaharap ng publiko at huwag lang puro siyensya ang gawing batayan. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)