Kinakalampag ngayon ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pangako nitong wawakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Ito’y matapos mabigo ang Malakaniyang na magpalabas sa itinakdang deadline na March 15 ng Executive Order na naglalayong tuldukan ang kontraktwalisasyon.
Umaga pa lamang kahapon ay sumugod na sa Mendiola ang mga miyembro ng nagkaisang labor coalition. Bitbit ang mga placards at banners kung saan nakalagay ang “stop workers exploitation at regular jobs not contractual”.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang Federation of Free Workers na anila’y unti-unti nang nawawalan ng tiwala ang mga manggagawa kay Pangulong Duterte.
Simula pa nuong kampaniya ay bahagi na umano ng plataporma ng Pangulo ang wakasan ang endo, ngunit hanggang ngayon ay mukhang malabo pa rin itong maisakatuparan.
Gayundin ang apela ng Kilusang Mayo Uno na nagpa alala pa sa Pangulo na mahalaga umano sa mga Filipino ang tinatawag na “palabra de honor” o ang pagkakaroon ng isang salita sa pagtupad sa mga ipinangako.