Isasalang sa pagsusuri ang lahat ng manggagawa sa poultry farms sa San Luis Pampanga kung saan sumiklab ang bird flu virus.
Ayon kay Assistant Secretary Eric Tayag ng Department of Health o DOH , isang team ng epidemiologist ang ipinadala na ni Health Secretary Paulyn Ubial sa San Luis.
Pangunahing inaagapan aniya ng DOH na mahawa o mailipat sa tao ang bird flu virus.
“Uunahin namin po yung mga naapektuhang farms, may listahan na tayo ng mga taong nagtrabaho doon at sila ay magkakaroon ng assessment at examination at kung nakitaan ng sintomas, katulad din po ng human influenza, yan din po ay mataas na lagnat, sipon at ubo.” Ani Tayag
Kasabay nito ay pinawi ni Tayag ang pangamba na magkaroon rin ng outbreak ng bird flu sa tao.
Malabo anyang mangyari ito dahil hindi naman puwedeng mahawa ang mga taong hindi naman nag-alaga ng manok o kahalintulad na uri nito na may bird flu.
“Kung ikaw po ay nag-alaga ng mga maysakit na manok matapos ang dalawang araw ay maaari ka nang magkaroon ng sintomas, aabot ng dalawang linggo bago ka magkaroon ng sakit, sakit kasi yan ng hayop, nangyari lang sa ibang bansa yung mga nag-alaga na hindi nakapag-ingat, yun lang po ang mga nagkasakit.” Pahayag ni Tayag
Samantala, ligtas kainin ang mga manok o kahalintulad na uri na naimpeksyon ng bird flu kung lulutuin itong mabuti.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, ang bird flu virus ay kasamang namamatay sa sandaling mamatay ang manok na nagtataglay nito.
Ito aniya ang dahilan kayat pinapatay ang lahat ng manok o kauri nito na naimpeksyon ng bird flu virus.
By Len Aguirre | Karambola Interview