Isinailalim sa massive testing ng lokal ng pamahalaan ng Taguig City ang mga manggagawa ng isang construction site sa barangay Fort Bonifacio.
Batay sa datos ng safe city task force ng lungsod, sa 741 na mga construction workers, 691 na rito ang nasuri para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa naturang bilang, naitala naman ang nasa 308 na mga nagpositibo sa nakamamatay na virus.
Bukod pa sa barangay Fort Bonifacio na mataas ang bilang ng kumpirmadong kaso, patuloy din ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa barangay Lower Bicutan sa kaparehong lungsod.
Batay kasi sa datos, higit 2,000 ang mga tests na nagawa sa purok 5 at 6 sa barangay Lower Bicutan, kung saan 111 sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19.
Kasunod nito, paliwanag ng task force ng lungsod ng Taguig, ang karagdagang bilang ng mga COVID-19 positive sa dalawang barangay, ang dahilan kung bakit biglaan ang paglobo ng nakamamatay na virus sa lungsod.