Papayagan pa ring makapasok ng Metro Manila ang mga manggagawang magmumula sa mga kalapit na lalawigan.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Interior secretary Eduardo Año sa kabila ng ipatutupad na community quarantine sa buong National Capital region (NCR) simula Marso 15.
Ayon kay Año, kailangan lamang magpakita ng id bilang patunay na nagtatrabaho ang isang galing ng karatig lalawigan sa Metro Manila.
Sinabi ni Año, magkakaroon ng pagpupulong ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa mga ilalatag na checkpoints sa mga daanan papasok at palabas ng Metro Manila.
Paglilinaw pa ni Año, hindi total lockdown ang ipatutupad bagkus ay restriction o pagtatakda lamang ng limitasyon sa pagpasok at paglabas ng Metro Manila.
Layunin aniya nitong maiwasang kumalat pa sa labas ng Metro Manila o sa ibang lalawigan ang coronavirus disease (COVID-19) na magiging mas mahirap para sa mga awtoridad.